Plano ng Quad Committee na pormal na hingin ang tulong ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) upang sundan ang money trail na may kaugnayan sa sinasabing reward system sa war on drugs ng nakaraang administrasyon
Naniniwala si Quad Comm co-chair Bienvenido “Benny” Abante Jr. na malaki ang maitutulong ng AMLC para maisiwalat ang naturang mga transaksyon, at maibigay ang hustisya sa mga inosenteng napatay.
Oras na malantad aniya ang financial network sa likod ng mga extrajudicial killing ay maaari na ring matukoy ang pangunahing indibidwal na nakinabang mula sa EJK.
Una na ring sinabi ni Quad Comm co-chair Dan Fernandez, na hihingin din nila ang tulong ng Commission on Audit (COA) sa posibilidad na ang confidential at intelligence fund ay nagamit din sa pagbibigay ng reward.
Bago ito una na ring sinabi ni Police Col. Jovie Espenido na ginamit ring pampondo ng pabuya ang pera mula sa sugal gaya ng STL at POGO.
“Actually, Colonel Espinido made a statement in our first Quadcom hearing. At talagang mayroong reward system. Tinanong namin kung saan nanggagaling reward system. At sinabi niya na gagaling ito sa mga gambling money. For example, STL. For example, Pogo. Yan ang sinabi niya. Now, meron itong connection din naman sa sinabi ni Colonel Garma na talagang meron reward system…Pwede rin na kung yan ay talagang operational expenses na tinatawag, siyempre that would appear. Mag-a-appear yan sa COA, mag-a-appear yan sa pag-imbestiga doon sa mga intelligence fund and confidential fund,” dagdag ni Abante.
Hinimok din nina Abante at Fernandez ang mga pulis na nakatanggap ng mga cash reward, na lumantad upang makamit amg hustisya. | ulat ni Kathleen Forbes