Nilinaw ni Quad Comm overall Chair Robert Ace Barbers na hindi naman basta-basta paniniwalaan na lang ng Quad Committee ang mga naging rebelasyon ni dating PCSO General Manager Royina Garma ukol sa operasyon ng war on drugs ng nakaraang administrasyon.
Sa isang Zoom interview sa mambabatas, iginiit niya na kailangan pa rin ito i-corroborate o susugan ng iba pang testigo o documentary evidence.
“…hinihintay namin na mayroong mag-corroborate na ibang witnesses para sa ganun magkaroon ng bigat yung kanyang revelation. Di naman ibig sabihin na kapag siya nag-reveal o nag-sumite ng affidavit sa amin sa Quadcom, paniniwalaan natin 100%.There must be a testimony from another witness na mag-corroborate nito or mayroong documentary evidence na pwedeng isubmit sa kumite na mag-corroborate din ng kanyang revelation. So far sa ngayon, it is her word na lumalabas,” sabi ni Barbers.
Wala pa naman ani Barbers paramdam si resigned NAPOLCOM Chief Edilberto Leonardo kung maglalahad din ito ng kaniyang nalalaman ukol sa mga isiniwalat ni Garma, pero kinakausap aniya nito ang kaniyang abogado.
“Hinihintay pa namin yan. In fact, doon sa huling hearing, I think he was consulting his lawyer tungkol sa kanyang involvement dito sa mga usaping na inilabas dito sa quadcom,” dagdag ni Barbers.
Plano naman ng komite na ipatawag si ‘Alyas Muking’ o si Irmina Espino na sinabi ni Garma na siyang humahawak umano sa financial operations ng reward system sa war on drugs.| ulat ni Kathleen Forbes