Bukas at suportado ng mga lider ng Quad Committee ang panawagan ni Senator Risa Hontiveros na ang Senate Committee of the Whole ang magsagawa ng imbestigasyon ukol sa war on drugs ng nakaraang administrasyon.
Giit ni Quad Comm Lead Chair Representative Robert “Ace Barbers”, mahalaga rin ang pag iimbestiga ng Senado para matukoy ang katotohanan.
Ikinatuwa din ni Barbers na nagkakaisa ang Kongreso kaugnay sa usaping ito.
“Suportado namin itong panawagan ni Sen. Hontiveros na ipursige ang Senate Committee of the Whole investigation sa EJKs ng drug war ng nakaraang administrasyon. We are very pleased that both Houses of Congress are of one mind in this,” ani Barbers.
Ngunit mas kinakatigan aniya nila ang Committee of the Whole na manguna sa imbestigasyon, dahil magkakaroon aniya ng conflict of interest kung pangungunahan ito ni Sen. Ronald Dela Rosa na isa sa mga idinadawit sa isyu.
“Hindi maaaring si Sen. Bato mismo ang mamuno sa imbestigasyon na ito. May conflict of interest dahil siya mismo ang nasa sentro ng pagpapatupad ng kampanya. Dapat siya ang magbigay ng mga kasagutan, hindi siya ang dapat mag-lead ng investigation,” diin ni Barbers.
Sinusugan ito ni Sta. Rosa Rep. Dan Fernandez, co-chair ng komite.
Hindi aniya maaari na si Sen. Dela Rosa ang manguna sa pagsisiyasat lalo na at ang senador isa sa mga naunang nagpatupad ng war on drugs.
“Sen. Dela Rosa cannot lead this Senate investigation because there is an obvious conflict of interest. Siya mismo ang nagpatupad ng mga utos sa ilalim ng madugong kampanya kontra droga. He was at the helm of this war, so he cannot objectively lead the probe,” ani Fernandez.
Naniniwala rin si Barbers na kung Senate Committee of the Whole, sa pangunguna ni Senate President Francis Escudero ang mag iimbestiga ay magreresulta ito sa accountability.
“We fully support Sen. Hontiveros’ push for the Senate to conduct its own investigation. The House and Senate must work together to uncover the truth and ensure accountability for the thousands of lives lost,” dagdag ni Barbers.
Paalala niya na ang mahalaga dito ay makuha ang buong katotohanan para sa mga biktima at hindi na muli mangyari ang mga ito. | ulat ni Kathleen Forbes