Welcome para kay House Quad Committee Co-Chair Bienvenido Abante Jr. ang plano ng Philippine National Police (PNP) na buksan at imbestighan muli ang mga high profile killings na iniuugnay sa “war on drugs.”
Matatandaan na sinabi ng PNP na plano nilang silipin muli ang mga cold cases ng mga napatay na opisyal ng gobyerno na iniuugnay sa iligal na droga.
Ani Abante, kung nakatulong ang Quad Committee sa muling pag-iimbestiga sa pagkamatay ni dating Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) Board Secretary Wesley Barayuga at Tanauan, Batangas Mayor Antonio Halili, asahan aniya na may mga kasong hindi napansin noon ang kanilang bubuksan.
Giit niya, hindi lamang in aid of legislation ang hangad ng QuadComm, ngunit gayundin ay makatulong sa National Bureau of Investigation (NBI) at Department of Justice (DOJ) na mapanagot ang nasa likod ng kawalan ng hustisya.
“Nabuksan na po namin yung kay Mayor Halili sapagkat nabanggit ni Garma, ngayon nga iimbestigahan na muli. The thing is kung ang NBI is opening the cases na noong araw ay hindi pinansin. Napansin because of the Quad Comm hearing, baka meron pa kami bubuksan na ilang mga nangyaring mga injustices na dapat malaman ng taongbayan at dapat buksan muli. Sapagkat ito, hindi na napag-usapan. We would like all of those cases that we feel are injustices, we feel na hindi nagkaroon ng due process, na mabuksan po ito at ma-imbestigahan,” ani Abante. | ulat ni Kathleen Jean Forbes