Rep. Tulfo, pina-iimbestigahan ang PHILSAGA Mining Corp. dahil sa paglabag sa karapatan ng mga IP

Facebook
Twitter
LinkedIn

Isang resolusyon ang ihahain ni House Deputy Majority Leader at ACT-CIS Party-list Representative Erwin Tulfo, para pa-imbestigahan ang PHILSAGA Mining Corp.

Bunsod ito ng posibleng paglabag sa mga karapatan ng mga Indigenous Peoples (IPs) sa kanilang ancestral lands sa Consuelo at San Andres sa Bunawan, Agusan del Sur.

Partikular na hinihikayat ang House Committees on Indigenous Cultural Communities and Indigenous Peoples at Natural Resources na magdaos ng Inquiry In Aid of Legislation upang mapalakas pa ang pagpapatupad sa Indigenous Peoples Rights Act ng 1997 at Philippine Mining Act.

Aniya ilang kinatawan ng mga katutubong Manobo na nagmamay-ari at naninirahan sa lupain sa Consuelo at San Andres, Bunawan, Agusan del Sur ang lumapit sa kaniyang tanggapan at isinumbong ang pang-aagaw ng lupa.

“Sumbong nila, inagawan na sila ng lupa ng nasabing minahan wala pa silang natanggap kahit magkano para sa kanilang komunidad. Hindi natin pwedeng payagan na maabuso ang karapatan ng ating mga kapatid na IPs dahil umpisa pa lamang ay ito na ang isa sa palagi nating binabantayan, ang mga karapatan ng ating mga katutubo. Kadalasan kasi ay wala silang boses lalo na laban sa malalaking kumpanya, kaya sa aming magkakapatid na Tulfo sila madalas lumalapit,” ani Tulfo.

Giit ng mambabatas na ipinagkait ng mining company ang karapatan ng IP sa kanilang ancestral land, likas na yaman, at maging royalty shares mula sa mining operation sa kanilang lupain.

“The mining operations of PHILSAGA Mining Corp. permanently deplete the resources of the ancestral land to the detriment of the rightful ICC/IPs who are entitled to royalty shares,” dagdag nito.

Batay sa mga ulat, alam ng mga opisyal ng nasabing kompanya ng minahan ang kasalukuyang isyu na kinasasangkutan ng pamilyang Rodrigo, ngunit patuloy pa rin na ibinibigay ang royalty shares sa mga sektor na kanilang kinontrata.

“The circumstances are present that reasonably show disregard for and even abuse of the rights of the Rodrigo clan as well as the Omaobau clan by officers of the National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) and officers of PHILSAGA Mining Corp. acting individually or in conspiracy with others for personal benefit, especially on the distribution and management of royalty shares from the mining operation of PHILSAGA, that needs to be thoroughly investigated,” saad sa resolusyon.

Paalala ng mambabatas na mayroon ding iba pang mga grupo ng IP na sinasamantala at naaabuso na nangangailangan ng tulong at karagdagang proteksyon sa batas. | ulat ni Kathleen Jean Forbes

Radyo Pilipinas

Radyo Pilipinas is the flagship government AM radio station of the Philippine Broadcasting Service (PBS), which is under the Presidential Communications Operations Office (PCOO) of the Office of the President, Republic of the Philippines. Its frequency is 738khz on the Philippine AM band.

Recent Posts

Follow Us