Isinusulong ni Senate Committee on Basic Education chairman Senador Sherwin Gatchalian na magpatupad ng reporma sa professionalization ng mga guro.
Sa ilalim ng Senate Bill 2840 ng senador, kabilang sa mga pinapanukalang reporma ang dagdag na kwalipikasyon para sa mga miyembro ng Board for Professional Teachers, pagbabawal ng conflict of interest at mga daan para sa aplikasyon ng registration bilang mga propesyunal na guro.
Nakasaad sa panukala na sa halip ng pagkuha ng licensure examination para makapagparehistro bilang propesyunal na guro, ang mga graduate ng accredidted Teacher Education Centers of Excellence na consistent na nakakakuha ng hindi bababa sa 80 percent na grado sa nakalipas na limang taon ay maaaring magsumite na lang ng protfolio na magpapatunay na naabot na nila ang pamantayan ng propesyunalismo sa pagtuturo.
Sa ilalim ng panukala ay pahihintulutan rin na maka-register ang mga kwalipikadong indibidwal kahit hindi sila kumuha ng licensure exam basta’t mayroon silang sampung taong teaching experience.
Samantala, ang mga nagnanais na maging guro na tatlong beses nang bumagsak sa licensure exam ay kailangan munang kumuha ng refresher course sa isang Commission on Higher Education (CHED)-recognized Teacher Education Institution (TEI) sa loob ng isang taon bago muling kumuha ng pagsusulit.| ulat ni Nimfa Asuncion