Hindi na maitatanggi ang pagkakaroon ng reward system sa war on drugs ng nakaraang administrasyon.
Ito ang ipinunto ng Quad Committee matapos patotohanan ni dating NAPOLCOM CHie Col. Edilberto Leonardo ang salaysay ni dating PCSO General Manager Royina Garma kasunod ng interpelasyon ni Manila Rep. Benny Abante.
Sa naturang twin affidavit, nakasaad ang pagkakaroon ng reward system o pabuya sa mga operasyon kung saan may mapapatay na drug suspects.
“O eto po, ito na po ang question ko, and this will only be answerable by yes or no. I am not going to ask for any more explanation, Col. Leonardo, sagutin niyo lang ako ng yes or no. Doon sa dalawang affidavit ni Col. Garma na nabasa mo at napakinggan mo, ‘yan ba ay pinapaniwalaan mo? Yes or no?” tanong ni Abante.
“Yes, Mr. Chair,” tugon ni Leonardo.
Sunod namang tanong ni Abante, “Pangalawang tanong, also answerable by yes or no. Naniniwala ka ba na mayroong rewards system? Yes or no?”
Sa una ay nag-alinlangan pang sumagot si Leonardo ngunit sa muling pagtatanong ni Abante ay sumang-ayon na ito.
“Yes or no lang, naniniwala ka ba na mayroong rewards system, yes or no?” giit ni Abante.
“Yes, Mr. Chair,” sabi ni Leonardo.
Dahil dito, naniniwala si Abante na hindi na maitatanggi na mayroon ngang bigayan ng pabuya.
“It has been established that actually there’s a reward system [during the Duterte drug war]. ‘Di na pwedeng itanggi pa ng previous administration. Na-establish ang point namin diyan. Whether it be his claim or not, it will be a burden of proof sa mga ayaw tumanggap. ‘Di na sa kanila,” sabi pa ni Abante.
Sabi naman ni Quad Comm overall chair Robert Ace Abante, ito ang pinakamahalagang lumabas sa pagtalakay ng komite sa EJK.
“Meaning in the implementation of the war on drugs, may nangyayaring extrajudicial killings at ito nabibigyan ng reward. So ‘yan ang pinaka-importante na punto kung saan sinang-ayunan at confirmed na may klaseng sistema, reward system, itong si Col. Leonardo,” punto ni Barbers.
Ang mga pag-amin naman aniyang ito ay mapapaloob sa committee report ng Quad Comm.
At oras na pumasok na aniya ang mga ahensya ng pamahalaan gaya ng DOJ ay maaaring sila na ang magsagawa ng mas komprehensibong pag-iimbestiga.
“Once pumasok ito sa concerned agencies like DOJ (Department of Justice), DOJ should do a more comprehensive, maybe preliminary investigation sa kanya. Maybe interview siya at maaring i-compel siya to issue or to execute an affidavit,” sabi ni Barbers. | ulat ni Kathleen Forbes