Kasabay ng pagbagal ng headline inflation, ay naitala rin ng Philippine Statistics Authority ang patuloy na pagbaba sa rice inflation sa bansa.
Sa tala ng Philippine Statistics Authority, bumagal sa single digit na 5.7% ang rice inflation nitong Setyembre. Huling naitala ang kahalintulad na antas ng rice inflation noong Hulyo ng 2023.
Ayon kay PSA Chief at National Statistician Claire Dennis Mapa, kasama ang rice inflation sa may malaking ambag kung bakit bumaba ang headline inflation sa bansa nitong nakaraang buwan.
Dagdag pa nito, mula pa noong Hulyo ay tuloy-tuloy na rin ang nakikitang downward trend ng PSA sa rice inflation. Ito ay dahil na rin sa base effect at pati na ang posibleng epekto ng tapyas taripa sa imported na bigas.
Maging ang presyo ng regular, well-milled pati ng special rice ay muling bumaba sa mga nakalipas na buwan. Sa pinakahuling monitoring ng PSA, bumaba na sa P50.47 ang kada kilo ng regular milled rice, P55.51 naman ang average retail price ng well-milled rice habang P64.05 ang kada kilo ng special rice. | ulat ni Merry Ann Bastasa