Ipinagmalaki ng Roman Catholic Diocese of Kalookan si Bishop Pablo Virgilio “Ambo” S. David matapos italaga ni Pope Francis bilang Cardinal.
Si Cardinal-designate David ay ang ika-10 Filipino Cardinal ng Simbahang Katolika.
Mas kilala siya bilang “Bishop Ambo” at ang kasalukuyang Obispo ng Diocese ng Kalookan na isa sa pinakamaliit na diyosesis sa Pilipinas.
Siya rin ang presidente ngayon ng The Catholic Bishops’ Conference of the Philippines.
Ipinanganak si Cardinal-elect David noong March 2, 1959, sa Betis, Guagua, Pampanga. Naitala siya bilang Obispo noong Mayo 2006 at naordinahan bilang obispo noong Hulyo ng parehong taon. Siya ang naging Obispo ng Kalookan mula noong 2016.
Kasunod nito, nanawagan ang Diocese of Kalookan na ipagdasal ang bagong Cardinal nang maipagpatuloy niya ang kanyang mga adbokasiya at mga mithiin para sa Simbahan.
Kabilang dito ang maabot ang mga nasa laylayan at baguhin ang Simbahan tungo sa misyon. | ulat ni Merry Ann Bastasa