Aabot sa P5.5-M halaga ng community-based swine repopulation project ang mapapakinabangan na ng samahan ng magsasaka sa Albay na Bantonan Community Development Cooperative (Bacodeco).
Sa tulong ng Department of Agrarian Reform Provincial Office (DARPO) Albay, ang proyekto ay bahagi ng Integrated National Swine Production Initiatives for Recovery and Expansion (INSPIRE) program ng Department of Agriculture (DA).
Layon nitong mapabilis ang pagbangon ng industriya ng babuyan mula sa African Swine Fever (ASF) at muling buhayin ang sektor.
Bilang isang pangunahing pangako ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., binibigyang-diin ng programa ang pagsisikap ng pamahalaan na tulungan ang mga magsasaka at mangingisda upang mapabuti ang kanilang ani at kita.
Saklaw ng proyekto ang maingat na pagpaparami ng mga baboy, pagtatayo ng mga makabagong babuyan, at pagbibigay ng madaling access sa mga insurance at credit services para sa mga nag-aalaga ng baboy.
Layon nito na palakasin ang produksyon ng baboy at matiyak ang sapat na suplay ng karne ng baboy sa bansa. | ulat ni Merry Ann Bastasa