Sinabi ni Securities and Exchange Commission Chairperson Emilio Aquino na patuloy na pagsisikapan ng kanyang tanggapan upang makatulong na tuluyan nang maalis sa grey list ng Financial Action Task Force (FATF) ang Pilipinas.
Ayon kay Aquino, mag-i-invest ang SEC sa digitalisasyon at pag-optimize ng resources upang matiyak na magiging pangmatagalan ang repormang ipinatutupad ng gobyerno.
Ginawa ng opisyal ang pahayag kasunod ng kanilang pulong sa FATF kung saan nananatili pa rin ang bansa sa listahan na masusing pagmo-monitor dahil sa posibleng panganib ng ‘dirty money’.
Nasa grey list ang bansa simula pa noong 2021 subalit kinikilala naman ng international body ang mga nagawa ng bansa na hakbangin upang mapabuti ang ‘anti-money laundering’ at ‘countering the financial terrorism’.
Sa Pebrero inaasahan ang pagbisita ng FATF para i-validate ang progreso ng ginagawang hakbang ng bansa, inaasahan din sa susunod na taon ay posible nang maalis sa listahan ang bansa.
Sa hinaharap, nananatiling determinado ang SEC na palakasin ang mga reporma para mapanatiling protektado ang sistema ng pananalapi laban sa mga iligal na gawain. | ulat ni Melany Valdoz-Reyes