Inaasahan ni Senate President Chiz Escudero na mapapaunlad ang local defense industry sa pamamagitan ng pagbuhay ng Self-Reliant Defense Posture (SRDP) program.
Bukas, nakatakdang pirmahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. bilang batas ang SRDP bill.
Umaasa si Escudero na magkakaroon ng malaking impact sa ekonomiya ng bansa ang naturang panukala dahil bukod sa makagagawa ito ng mga bagong trabaho ay magreresulta rin ito sa foreign current savings para sa pamahalaan.
Sinabi ng Senate President na panahon na para bawasan ng Pilipinas ang pagdepende nito sa mga kaalyansa nating bansa para sa defense requirements ng bansa.
Aniya, kaya namang pantayan ng ating bansa ang kalidad ng mga international suppliers at sa tamang suporta ay maaari pang mapataas ang produksyon para isandaang porsyento na nating mapupunan ang ating defense needs.
Sa ilalim ng panukala, bibigyan ng prayoridad ang domestic suppliers at ang mga kumpanya sa bansa na gumagawa ng mga sandata, sasakyan at iba pang mga kagamitan ng ating mga sundalo, pulis at mga tagapagpatupad ng batas.| ulat ni Nimfa Asuncion