Kumpiyansa si Senador Juan Miguel Zubiri na patitibayin ng bagong pirmang batas na Self-Reliant Defense Posture Revitalization (SRDP) act ang defense capability ng Pilipinas habang pinapababa ang pagdepende ng ating bansa sa mga dayuhang supplier.
Nagpasalamat si Zubiri sa pagkakapirma ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa naturang batas dahil makakapagbigay aniya ito ng patas na tiyansa sa Pilipinas para maibangon ang ating sariling defense industry.
Bukod sa pagpapatatag ng defense manufacturing sector ng Pilipinas at mapalakas ang kakayahan ng bansa, target rin ng batas na maging supplier ang Pilipinas sa global defense market.
Binigyang diin ni Zubiri ang kahalagahan ng self-reliant defense system, lalo na sa gitna ng mga potensyal na geopolitical challenges na maaaring makaapekto sa suplay ng military equipment.
Bukod dito, inaasahang magbebenepisyo rin ang ekonomiya ng Pilipinas sa SRDP law dahil inaasahang makapagdudulot ito ng dagdag na mga investments, trabaho at kita sa bansa. | ulat ni Nimfa Asuncion