Naghain na ng kanyang Certificate of Candidacy sa Commission on Elections (COMELEC) ang beteranong public servant at mambabatas na si Senator Ramon Bong Revilla, Jr. para gawing pormal ang kanyang pagtakbong muli sa halalan bilang senador sa darating na 2025 midterm elections.
Kasama ng senador ang kanyang pamilya sa loob ng filing venue sa Manila Hotel gayundin ang kanyang abogadong si Inah Revilla. Si Bong Revilla ay muling tumatakbo sa ilalim ng Lakas–Christian Muslim Democrats (Lakas-CMD), ang pinakamalaking partidong politikal sa bansa na kasalukuyang pinamumunuan niya.
Si Revilla ay miyembro ng partido mula nang magsimula ang kanyang karera sa pulitika ng halos 30 taon.
“Ngayong araw, pormal na nating sinelyuhan ang ating kandidatura sa pagka-senador sa darating na eleksyon 2025. Ang iyong lingkod, si Senador Bong Revilla, na sa loob ng tatlong termino bilang mambabatas sa Senado ay pinagkatiwalaan ng sambayanan, ay muling lalaban at titindig para patuloy na maging tagapagsulong ng kapakanan ng bawat isang ordinaryong Pilipino,” pahayag ng senador.
Si Revilla ay bahagi ng Alyansa Para sa Bagong Pilipinas Senate Slate ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos na binubuo ng 12 senatorial candidates mula sa iba’t ibang major political parties sa bansa kabilang ang Lakas-CMD.
Napag-alaman na si Revilla na nagsilbi ng 3 termino sa Senado (2004-2010; 2010-2016; 2019-kasalukuyan) ay naging instrumento sa pagpasa ng maraming kapaki-pakinabang na batas na nagbibigay ng direktang benepisyo sa maraming Pilipino hanggang ngayon.
Kabilang sa mga nasabing batas ay ang “Kabalikat sa Pagtuturo Act” (RA 11997), Expanded Coverage of Centenarians Act (RA 11982), “No Permit, No Exam Prohibition Act” (RA 11984), “Free College Entrance Examinations Act” (RA 12006), Pagbibigay ng Night Shift Differential Pay sa mga Empleyado ng Gobyerno (RA 11701), at “Permanent Validity of the Certificates of Live Birth, Death, and Marriage Act” (RA 11909).
Si Revilla rin ang may-akda ng batas na nagbibigay para sa “legitimation” ng mga batang ipinanganak sa labas ng kasal at ang motorcycle helmet act, bukod sa marami pang iba. Si Bong Revilla ay nakapagtala ng perfect attendance, at nakapaghain ng kabuuang 1,979 na panukalang batas at resolusyon, kung saan 339 dito ang naisabatas.
Plano naman ng senador sa kanyang ika-apat na termino sa Senado na ipagpatuloy ang pagtataguyod ng hustisyang panlipunan, kapakanan ng mga manggagawa, seguridad sa pagkain, pampublikong imprastraktura, at benepisyo ng mga empleyado ng gobyerno.
Nakatakdang isagawa ang paparating na midterm election sa Mayo 12, 2025 kung saan 12 senador ang ihahalal. | ulat ni Michael Rogas