Hinikayat ni Senate President Pro Tempore at Senate Committee on National Defense Chairperson Senador Jinggoy Estrada ang Philippine Coast Guard (PCG) at ang Philippine Navy, na paigtingin pa ang pagpapatrolya sa West Philippine Sea (WPS) para matiyak ang kaligtasan ng mga Pilipino at ang seguridad ng ating mga karagatan.
Ang pahayag na ito ng senador ay kasunod ng pambobomba ng water cannon ng China Coast Guard (CCG) sa sasakyang pandagat ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) sa Bajo de Masinloc.
Ayon kay Estrada, hindi dapat palampasin ang mga pagmamalabis at hindi makataong pagtrato sa atin ng China.
Ipinunto ng senador, na hindi na lang ang ating mga mangingisda at ang PCG ang pinapatikim ng water cannon ng CCG, kung hindi pati na rin ang ating mga maritime scientist mula sa BFAR ay nakakaranas na rin ng paulit-ulit na pambu-bully nila.
Binigyang diin ng mambabatas, na tahasan na itong paglabag sa soberanya ng Pilipinas maging sa rules-based international order at sa United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS).
Dapat aniyang panagutin ang CCG sa lahat ng mga pag atake nila lalo at ang kaligtasan na ng mga tauhan ng gobyerno ang nakataya. | ulat ni Nimfa Asuncion