Iminumungkahi ni Senator Risa Hontiveros na Senate Committee of the Whole ang magsagawa ng senate inquiry patungkol sa war on drugs na pinatupad noong administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Hontiveros, mahalagang malaman ang katotohanan tungkol sa drug war lalo na aniya para sa mga pamilya ng mga biktima ng extra judicial killings (EJKs).
Umaasa ang senador, na sa pamamagitan ng Senate Committee of the whole ay mas panatag at maeengganyong makibahagi at tumestigo ang victim-survivors ng war on drugs.
Ipinaliwanag ng mambabatas, na ang kagandahan sa Senate Committee of the Whole ay lahat ng buong senado ay may pantay-pantay na karapatan na mag imbestiga sa paksang ito.
Sakaling matuloy ang suhestiyon ni Hontiveros, si Senate President Chiz Escudero ang siyang mamumuno sa pagdinig ng senado tungkol sa usapin.
Ito na rin aniya ang magdedesisyon kung iimbitahin sa naturang pagdinig si dating Pangulong Rodrigo Duterte. | ulat ni Nimfa Asuncion