Sinabi ni Senador JV Ejercito na dapat nang palitang ang pinuno ng Pphilippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).
Para kay Ejercito, bigo si PhilHealth President and CEO Emmanuel Ledesma Jr. na ipatupad ang tunay na layunin ng Universal Healthcare Law, lalo’t ang PhilHealth ang primary agency sa pagpapatupad ng naturang batas.
Puna ng senador, madami pa ring mga reklamo mula tungkol sa kakarampot na halagang sinasagot ng PhilHealth sa kanilang mga medical bill samantalang layon sana ng UHC na maibsan ang pasanin ng mga Pilipino tungkol sa kanilang mga gastusing medikal.
Sa ginagawa aniya ng state insurer, mas nagmumukha pa silang private corporation kaysa ahensya ng gobyerno na dapat ay nagseserbisyo sa taumbayan.
Giniit rin ng mambabatas na hindi dapat nagdedeklara ng nasa P90 billion na sobrang pondo ang PhilHealth habang marami pa silang mga ospital at doktor na hindi nababayaran at marami pang mga pasyente ang nagke-claim ng benepisyo.
Balak ni Ejercito na itanong ang mga isyung ito sa PhilHealth sa susunod na magiging budget hearing ng DOH.
Kung hindi aniya masatisfy ang senador sa magiging sagot ng PhilHealth ay maaaring magpatawag siya ng hiwalay na pagdinig tungkol sa sa mga ginagawa ng PhilHealth.| ulat ni Nimfa Asuncion