Aminado si Senate Minority Leader Koko Pimentel na maging siya ay nalito sa naging hakbang ni Marikina Mayor Marcelino Teodoro na kalabanin niya bilang Congressman ng District 1 ng Marikina City.
Sa pulong balitaan sa Senado, binahagi ni Pimentel na ang mga Teodoro mismo ang nag-imbita sa kanilang grupo na tumakbo sa District 1 ng lungsod habang sa District 2 naman tatakbong congressman si Mayor Marcy.
Katunayan, noong February 2024 ay nagpalit na ng voters registration si Teodoro sa District 2 pero nito lang aniyang Setyembre ay muli itong lumipat sa District 1.
Sa ngayon ay hindi na aniya sila muli nagkausap ni Mayor Marcy.
Kabilang sa mga hinihinala ni Pimentel na dahilan ng pagbabago ng isip ni teodoro ay posible aniyang nagpa survey ito sa District 2 at hindi naging maganda ang resulta nito.
Tumatakbo bilang independent candidate si Pimentel at tumatayo lang na guest candidate sa ilalim ng Nacionalista Party.
Ito ay bilang nakabinbin pa sa Korte Suprema ang petisyon ng kanilang paksyon na sila ang dapat na kilalaning totoong PDP-Laban.| ulat ni Nimfa Asuncion