Good idea para kay Senate Minority Leader Koko Pimentel ang pinalutang ni Senador Christopher ‘Bong’ Go na posibilidad na magkaroon sa Senado ng parallel investigation tungkol sa war on drugs na pinatupad sa ilalim ng pamumuno ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Matatandaang sinabi ni Go ang posibleng Senate Inquiry kasunod ng naging pahayag ni dating Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) General Manager at retired Colonel Royino Garma tungkol sa diumano’y reward system sa pagpapatupad ng drug war ng nakaraang administrasyon.
Ayon kay Pimentel, siya mismo ay nais i-cross examine ang mga testigo at resource person sa isyu. Ito ay para aniya matiyak ang kredibilidad ng mga testigo.
Sinabi rin ng senador na dapat seryosong maimbestigahan ng Department of Justice (DOJ), Philippine National Police (PNP), at iba pang law enforcement bodies ang alegasyon ni Garma. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion