Tutol si Senate Committee on Public Services Chairman Senador Raffy Tulfo sa panukalang isapribado ang operasyon ng communications, navigation, and surveillance/air traffic management system (CNS/ATM) sa pamamagitan ng Public-Private Partnership (PPP).
Ginawa ng senador ang pahayag matapos makumpirma sa Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) na nagsumite ng proposal ang ComClark Network and Technology Corp. (ComClark), na pag-aari ng Tech tychoon na si Dennis Uy, para sa pag-take over sa operasyon ng Philippines’ air traffic management system.
Ayon kay Tulfo, posibleng magdudulot ng seryosong panganib sa national security ng bansa ang naturang hakbang.
Maaari rin aniyang maging bukas ang ating bansa sa foreign interference dahil maaaring pumasok ang mga pribadong kumpanya sa equity participation ng nationalized investors, kabilang na ang mga malalaking korporasyon na suportado ng gobyerno ng China.
Tinukoy din ng mambabatas ang naunang pahayag ni Ret. Lt. Gen. William Hotchkiss, dating Philippine Air Force Chief at dating CAAP Director, na ang panukala ay magreresulta sa paglilipat ng kapangyarihan ng CAAP na i-monitor at kontrolin ang lahat ng flights sa loob ng ating Flight Information Region (FIR) sa mga pribadong kumpanya na may vested interest.
Sinabi pa ni Tulfo na sa pamamagitan ng privatization ay mas magiging madali na rin ang pagtakas ng mga may problema sa batas.
Kaugnay nito, maghahain si tulfo ng resolusyon para mabusisi sa senado ang ang isinusulong na privatization.| ulat ni Nimfa Asuncion