Muling ipinanawagan ni Senate Majority Leader Francis Tolentino sa pamahalaan na tulungan ang mga lehitimong Pilipinong kawani ng mga Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) na nawalan ng trabaho para makapagsimulang muli.
Ayon kay Tolentino, dapat protektahan ang mga manggagawang ito mula sa diskriminasyon sa job fairs at hiring.
Ipinahayag ito ng senador kasunod ng naging raid sa isang POGO hub sa Pasay City, sa likod lang ng Senado, nitong nakaraang linggo.
Sinabi ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) na sa 73 na mga Pilipino ang naaresto doon, napauwi na ang 62 na pawang mga nagtatrabaho bilang maintenance at housekeeping staff at walang kinalaman sa cryptocurrency at love scam operations ng naturang POGO hub.
Kaugnay nito, hinimok ng majority leader ang PAOCC na makipagtulungan sa Department of Labor and Employment (DOLE) para maprotektahan mula sa diskriminasyon sa kanilang paghahanap ng bagong trabaho ang mga Pilipinong nagtrabaho sa mga POGO. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion