Para kay Senate Minority Leader Koko Pimentel, kailangan pa ring amyendahan ang konstitusyon para maisaayos ang party-list system sa bansa.
Ayon kay Pimentel, nasira na kasi ang essence ng party-list system sa bansa.
Nabuo ang party-list system ng bansa sa ilalim ng 1987 Constitution kung saan nakasaad na bukas ito sa mga underrepresented sectors kabilang na ang labor, peasant, urban poor, indigenous cultural, women, youth at iba pang sektor, maliban sa religious sector.
Gayunman, sa bisa ng 2013 Supreme Court decision, nilinaw na ang party-list system ay bukas rin sa mga national o regional parties o organizations.
Para kay Pimentel, dapat maisaayos ang Saligang Batas para malimita lang muli sa marginalized groups ang party-list system.
Dapat aniya itong gawin pagkatapos ng eleksyon para panibagong mga mambabatas na ang tatalakay dito.
Sinabi ng minority leader na kung papalarin siyang mahalal bilang congressman ng unang distrito ng Marikina ay isa sa mga isusulong niya ang ganitong amyenda sa konstitusyon.
Pero aminado ang mambabatas na kailangan pa ring mag-ingat sa pagsusulong ng amyenda sa Saligang Batas dahil kailangang bantayan na hindi magalaw ang probisyon sa term limit ng mga nakaupo sa posisyon.| ulat ni Nimfa Asuncion