Nagsagawa ng surprise inspection si Senate Committee on Public Services chairman Senador Raffy Tulfo sa Binangonan Port sa Rizal nitong October 7.
Matatandaang sa naturang pantalan may lumubog na isang motorbanca noong nakaraang taon kung saan umabot sa 27 na katao ang nasawi.
Sa ginawang inspeksyon ni Tulfo, nakita niya ang iba’t ibang paglabag ng ilang mga bangka gaya ng substandard na mga life vests na gawa lang mga styrofoam na madaling madurog at ang isang bangka na butas-butas ang trapal.
Namataan rin ng senador sa kanyang pag-iikot na ang pasahero ng isang bangka ay hindi nakasuot ng mga life vests.
Para sa senador, nangangahulugan lang ito na hindi mahigpit na pinapatupad ng mga crew ng bangka ang pagsusuot ng life vests kapag bumabiyahe sila sa gitna ng karagatan.
Pagdating naman sa mga dokumento ng mga bangka, kabilang sa mga nasita ng mambabatas ang hindi tugmang bilang ng pasahero sa deklaradong kapasidad ng mga bangka at ang iisang insurance provider ng lahat ng mga bangka sa naturang pantalan.
Ayon kay Tulfo, gagawa siya ng detalyadong report tungkol sa mga napuna niya sa Binangonan Port at isusumite niya ito sa Department of Transportation (DOTr).
Plano rin niyang irekomenda sa mapatawan ng parusa ang mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG), MARINA at Philippine Ports Authority (PPA) na nagpabaya at pinahintulutan ang ganitong mga violation.| ulat ni Nimfa Asuncion