Pinahayag ni Senate Minority leader Koko Pimentel na wala na sa opsyon na ang Senate Committee of the Whole ang humawak sa Senate inquiry tungkol sa pinatupad na war on drugs ng Duterte administration.
Ayon kay Pimentel, mas mahirap kung ang Senate Committee of the Whole ang mangunguna sa imbestigasyon lalo’t si Senate President Chiz Escudero ang mamumuno dito kapag nagkataon.
Pinaliwanag ng senador na maliban sa ibang mga schedule ng Senate President ay abala rin ang Senado sa paghahanda para sa plenary deliberations ng panukalang 2025 National Budget.
Katunayan, maging siya aniya, bilang minority leader, ay abala sa pag-aaral ng panukalang pambansang pondo lalo’t sila ang inaasahang magtanong at magbusisi ng husto sa proposed 2025 budget.
Dinagdag rin ni Pimentel na hindi rin tamang ang Committee on Public Order and Dangerous Drugs ni Senador Ronald ‘Bato’ dela Rosa humawak sa pagdinig tungkol sa war on drugs dahil nadadawit na si Senator Bato sa isyu bilang ito ang hepe ng PNP noong panahong iyon.
Sinabi naman ni Pimentel na libre pa ring dumalo si Dela Rosa at Senador Christopher ‘Bong’ Go sa mga hearing.| ulat ni Nimfa Asuncion