Ang Senate Blue Ribbon Committee na ang hahawak ng ikakasang pagdinig ng Senado tungkol sa war on drugs na pinatupad ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Senate President Chiz Escudero, matapos ang kanyang pakikipag-usap sa mga senador ay napagkasunduan nang ang Blue Ribbon Committee ang manguna sa pagdinig.
Gayunpaman, dahil abala aniya sa ngayon ang chairperson ng blue ribbon na si re-electionist Senator Pia Cayetano, si Senate Minority Leader Koko Pimentel na muna ang mangunguna sa pagdinig ayon kay SP Escudero.
Si Pimentel ang chairperson ng Senate Committee on Justice, na magsisilbing subcommittee ng senate inquiry sa war on drugs.
Naipaalam na aniya ni Escudero kina Cayetano, Pimentel maging kina Senador Ronald ‘Bato’ dela Rosa at Senador Christopher ‘Bong’ Go ang usaping ito.
Sinabihan na rin aniya ng senate leader ang blue ribbon committee, na makipag ugnayan kina dela Rosa at Go kung sino-sino ang mga dapat imbitahang resource person sa pagdinig nang masimulan na ito. | ulat ni Nimfa Asuncion