Nagpadala na ng liham ang Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality Senator Risa Hontiveros, sa mga korteng may hawak ng kaso ni Pastor Apollo Quiboloy para mapaharap ito sa gagawing pagdinig ng kumite sa October 23.
Partikular na lumiham ang Senate Committee kina Quezon City Regional Trial Court (RTC) branch 106 Presiding Judge Noel Parel at Pasig City RTC Branch 159 Presiding Judge Elma Mendoza Rafallo-Lingan.
Bukod kay Quiboloy, hinihiling rin ng kumite ni Hontiveros na mapaharap sa pagdinig ang mga kapwa akusado ng KOJC leader na sina Jackielyn Roy, Cresente Canada alias Enteng, Paulene Canada, Ingrid Canada at Sylvia Cemañes.
Gagawin ang pagdinig sa Miyerkules ng susunod na linggo (October 23), alas diyes ng umaga, sa session hall ng Senado.
Iniimbestigahan ng Senate panel ang mga akusasyon ng pang-aabuso diumano ni Quiboloy sa mga KOJC members.
Kasalukuyang naka-ditine si Quiboloy sa PNP Custodial Center habang ang ibang kapwa akusado nito ay nakapiit naman sa Pasig City Jail.| ulat ni Nimfa Asuncion