Inaasahan na pagpasok ng Enero ng susunod na taon ay madodoble na ang buwanang allowance ng mga senior citizen sa Lungsod ng Maynila mula P500 paakyat sa P1,000.
Ang nasabing pagtaas ng allowance para sa mga senior citizen ay inanunsyo ni Manila Mayor Honey Lacuna sa isang pagtitipon kasama ang mga lider ng senior citizens bilang pagdiriwang ng International Elderly Week kung saan inaasahan na papakinabangan ito ng nasa mahigit 200,000 nakatatandang residente ng lungsod.
Binanggit din ni Lacuna sa isang pahayag ang mga pagbabago sa sistema upang mas maging maayos at tumpak ang proseso ng pamamahagi ng nasabing allowance. Ayon sa kanya, regular na ina-update ng LGU ang listahan ng mga benepisyaryo upang alisin na rito ang mga pumanaw na, lumipat sa ibang lugar, o may mga pekeng dokumento, upang matiyak na tama ang paggamit ng pondo ng bayan.
Ang nabanggit na pagtaas ng allowance ay bahagi ng City Ordinance 9075, na sumasaklaw sa badyet ng Maynila para sa 2025.
Inaasahan naman na pagsapit ng Marso ay tatanggapin na ng mga senior citizen residents ng Maynila ang unang quarterly payout ng mga ito na may kabuuang P3,000 bawat isa.| ulat ni EJ Lazaro