Nagpapatuloy pa rin ang clearing at rehabilitation operations ng Task Force Kapatid sa mga sineserbisyuhan ng Batanes Electric Cooperative, Inc. (BATANELCO), na kabilang sa labis na napinsala bunsod ng Super Typhoon Julian.
Batay sa pinakahuling monitoring ng NEA Disaster Risk Reduction and Management Department (DRRMD), nananatiling walang access sa kuryente ang mga bayan ng Ivana at Uyugan.
Bahagya namang naibalik na ang serbisyo ng kuryente sa mga bayan ng Basco, Sabtang, at Mahatao habang ang Itbayat ay normal na ang operasyon.
Ayon sa NEA, ang BATANELCO ay nakaranas ng malaking pinsala sa mga imprastraktura nito na naging hamon kaya hirap pang maibalik sa serbisyo ang kuryente sa mga customer nito.
As of October 8, sumampa na sa ₱20.5 milyon ang halaga ng pinsalang dulot ng Bagyong Julian sa electric cooperatives (ECs).
Bukod sa Batanes, apektado rin ang mga EC sa Abra at Benguet. | ulat ni Merry Ann Bastasa