Nagpasalamat si Senate President Chiz Escudero sa mataas na performance rating na natanggap niya base sa resulta ng pinakabagong Pulse Asia survey.
Base sa resulta ng survey na isinagawa mula September 6 hanggang 13, 2024, nakatanggap ang Senate President ng 60 percent na approval rating samantalang 8 percent lang ang nakuha nitong disapproval rating.
Ayon kay Escudero, resulta ito ng pagsisikap ng mga kapwa niya senador at ng buong Senado.
Sinasalamin aniya nito ang commitment ng mataas na kapulungan na magpasa ng mga panukalang batas na magiging kapaki-pakinabang sa taumbayan at linawin ang mga isyung may kaugnayan sa good governance at rule of law.
Iniuugnay rin ni Escudero ang good performance ng Senado sa mas mainam na relasyon sa pagitan ng Senado at Kamara.
Mula nang maupo bilang pinuno ng Senado noong Mayo, umabot na sa 137 bills ang naipasa ng mataas na kapulungan kung saan labing apat na ang naging batas.
Tiniyak ni Escudero na wala silang sasayanging oras para maipasa ang mga natitira pang priority bills ng Marcos administration sa mga nalalabing session days ng 19th Congress.| ulat ni Nimfa Asuncion