Sinuportahan ni Speaker Martin Romualdez ang panawagan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na bilisan ang negosasyon para matapos na ang ASEAN-China Code of Conduct (COC) at matiyak ang pagpapanatili ng kapayapaan at katatagan sa South China Sea.
Sa ika-27 ASEAN-China Summit sa Laos, binanggit ni Pangulong Marcos ang panggigipit ng China Coast Guard sa mga sasakyang pandagat at panghimpapawid ng Pilipinas na nasasagawa ng routine activity sa loob ng Exclusive Economic Zone ng Pilipinas.
Ani Romualdez mahalaga ang mabilis na pagbuo sa Code of Conduct para sa mapayapang resolusyon ng dispute sa South China Sea, pagpapahupa ng tensyon at pagpigil sa pagkakaroon ng gusot sa hinaharap.
“The House of Representatives stands solidly behind President Marcos in his steadfast efforts to secure a common ground for all stakeholders towards greater cooperation and security in the South China Sea,” ani Romualdez.
Punto pa ng lider ng Kamara, higit sa foreign policy at pagprotekta sa interes at teritoryo ng bansa, ang mga pahayag ng Pangulo sa ASEAN ay pagtindig din para sa ating natural resources, kabuhayan ng mga mangingisdang Pilipino, at ang seguridad sa pagkain ng Pilipinas. | ulat ni Kathleen Jean Forbes