Nagsumite na ng kanyang irrevocable resignation kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. si Social Security System (SSS) President and Chief Executive Officer Rolando Ledesma Macasaet.
Ito’y matapos na pormal na tanggapin ni Macasaet ang pagiging nominee sa SSS-GSIS Pensyonado Party-list.
Sa liham nito kay Pangulong Marcos na isinumite kahapon, October 3, tinukoy ni Macasaet ang planong maghain ng kanyang Certificate of Nomination at Acceptance bilang party-list nominee sa linggo, October 6, 2024.
Nagpasalamat din si Macasaet sa Pangulo sa pagkakataong makapagsilbi sa SSS-PCEO at umaasa sa suporta nito sa SSS-GSIS Pensyonado Party-list.
Kaugnay nito, ikinalugod naman ng SSS-GSIS Pensyonado Party-list ang pagtanggap sa nominasyon ni Macasaet na may malalim na aniyang pang-unawa sa pagpapatakbo ng national pension system.
Ayon kay Fercival Yutan, tagapagsalita ng naturang party-list, may maaasahang track record si Macasaet na makatutulong para maisulong ang kanilang inisyatiba. | ulat ni Merry Ann Bastasa