Inalis na sa pwesto ang isang sundalo matapos nitong barilin at mapatay ang kanyang asawa at dalawa pang indibidwal sa loob ng kampo militar sa Gamu, Isabela.
Ayon kay Philippine Army Spokesperson Col. Louie Dema-ala, ni-relieve sa pwesto si Sgt. Mark Angelo Ajel, 32 taong gulang, ng 5th Infantry Division.
Naganap ang insidente sa loob ng Camp Melchor Dela Cruz sa Upi Village kahapon. Sakay umano ng van ang mga biktimang sina Erlinda Ajel, asawa ng suspek; ang driver na si Rolando Amaba, at ang biyenan nito na si Lolita Ramos nang sila ay pagbabarilin.
Dead-on-the-spot si Amaba, habang sina Ramos at ang misis ng suspek ay binawian ng buhay sa ospital.
Agad ding naaresto ang suspek at ngayon ay nasa kustodiya na ng Gamu Municipal Police Station.
Patuloy naman ang imbestigasyon sa krimen, sinabi ni Col. dema-ala na ang PNP na ang bahala sa criminal case habang administrative case naman sa AFP.
Sa oras na mahatulan ang sundalo ay tuluyan na itong matatanggal sa serbisyo. | ulat ni Diane Lear