Ginawaran ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff General Romeo Brawner Jr. ng Wounded Personnel Medal si Corporal Jaypee J. Garido ng Philippine Army.
Ito ay matapos masugatan sa pag-atake ng teroristang grupong New People’s Army (NPA) habang nagsasagawa ng Humanitarian Assistance and Disaster Response sa mga apektado ng bagyong Kristine sa Pio, Duran, Albay.
Ang naturang medalya ay bilang pagkilala sa kaniyang katapangan matapos ang nangyaring engkwentro ng 49th Infantry Battalion sa mga armadong teroristang grupo.
Sa pulong balitaan sa Camp Aguinaldo, sinabi ni AFP Spokesperson Col. Francel Padilla, na mariin nilang kinokondena ang ganitong insidente.
Ayon kay Padilla, ang pamamahagi ng ayuda ng pamahalaan ay para sa lahat pati na rin sa mga kalaban ng pamahalaan.
Sinabi ni Padilla na pinasalamatan din ni General Brawner ang mga sundalo ng 9th Infantry Division sa kanilang serbisyo gayundin ang personal na pagbisita sa sugatang sundalo upang makita ang kalagayan nito.
Sa ngayon, patuloy na nagpapagalinag ang sundalo sa station hospital ng AFP sa 9th ID sa Camp Elias Angeles, San Jose, Pili, Camarines Sur. | ulat ni Diane Lear