Patuloy pa rin ang aktibidad na naitatala ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) sa Bulkang Taal sa Batangas.
Sa inilabas nitong volcano advisory, isa na namang phreatic o pagbuga ng usok o steam ang naitala mula sa Main Crater ng Bulkang Taal sa nakalipas na 24-oras. Tumagal ito ng walong minuto.
Kaugnay nito, umabot din sa 1,256 ang sulfur dioxide (SO2) emissions sa bulkan at nagkaroon din ng katamtamang pagsingaw na umabot sa 600 metro ang taas.
Sa ngayon ay nananatili pa rin sa Alert Level 1 ang Taal Volcano, at patuloy ang babala ng ahensya sa mga posibleng panganib sa bulkan kabilang ang biglaang pagsabog. | ulat ni Merry Ann Bastasa