Kasabay ng pag-apruba ng Toll Regulatory Board (TRB) sa bagong toll rates para sa NLEX Connector, asahan na ang pagtaas sa singil sa pagdaan sa nasabing kalsada epektibo simula Oktubre 15, 2024.
Sa bagong rate, ang mga motorista na gumagamit ng Class 1 vehicles, tulad ng mga kotse at SUV, ay magbabayad na ng ₱119 mula ₱86, habang ang mga bus at maliliit na truck (Class 2) ay sisingilin ng ₱299 mula ₱215, at ang malalaking truck (Class 3) ay magbabayad ng ₱418 mula sa kasalukuyang singil na ₱302.
Ang nasabing pagtaas ng toll ay bahagi ng staggered approach na nagsimula noong nakaraang taon, matapos buksan ang section ng Caloocan hanggang España. Ayon sa pamunuan ng NLEX, halos isang taon pinakinabangan ng mga motorista ang kasalukuyang discounted rates sa kabila ito pagpapalawig ng expressway mula España hanggang Magsaysay Boulevard noong Oktubre 2023.
Sa pamamagitan ng NLEX Connector ay pinaiksi nito ang oras ng biyahe sa pagitan ng C3 sa Caloocan at Magsaysay Boulevard sa Manila ng hanggang pitong minuto na lamang.
Ang NLEX Connector din ay ang kauna-uanahang expressway sa Pilipinas na nagpatupad ng isang barrierless system at gumagamit ng 100% RFID para sa mabilis na transaksyon sa mga toll plaza.| ulat ni EJ Lazaro