Inabisuhan ng Pamahalaang Lungsod ng San Juan ang mga motorista hinggil sa ipatutupad na traffic re-routing sa kahabaan ng Boni Serrano sa mismong araw ng UNDAS, November 1.
Ito’y upang matiyak ang tuloy-tuloy na daloy ng trapiko at bilang paghahanda na rin sa pagdagsa ng mga pupunta sa San Juan City Cemetery sa nabanggit na araw.
Ayon kay San Juan City Mayor Francis Zamora, one-way ang ipatutupad sa harap mismo ng San Juan Cemetery hanggang sa 2nd Avenue na malapit lamang sa Kampo Crame.
Dahil dito, pinapayuhan ang mga galing ng EDSA na papasok ng San Juan na kumanan sa 2nd Avenue, kumaliwa sa Mariposa, tuloy-tuloy hanggang C. Benitez patungo sa destinasyon.
Tatagal ang naturang traffic re-routing hanggang sa November 3. | ulat ni Jaymark Dagala