Muling tatanggap ng mga Certificate of Candidacy (CoC) ang Regional Office ng Commission on Elections (COMELEC) sa Metro Manila.
Ito’y sa ikatlong araw ng paghahain ng kandidatura para sa mga nagnanais maupo sa pagka-kongresista sa National Capital Region (NCR).
Kahapon (October 2), naghain ng kani-kanilang mga kandidatura sina incumbent Malabon Lone District Representative Ricky Sandoval at tinapatan ito ni dating Mayor Antolin Oreta.
Ayon kay Sandoval, kailangan agad na matugunan ang mga pangangailangan ng mga taga-Malabon na iniwan ni Oreta na sininop naman ng kaniyang maybahay na si incumbent Mayor Jeannie Sandoval.
Magtatapat din sa ikatlong pagkakataon sina Caloocan 2nd District Representative Mitzi Cajayon Uy na naghain na ng kaniyang kandidatura at dating Representative Egay Erice na hinihintay pa kung kailan maghahain.
Ayon kay Cajayon Uy, magiging patas na ang laban sa Caloocan dahil wala na ang Smartmatic na kaduda-duda aniya ang resulta. | ulat ni Jaymark Dagala