Pormal nang isinalin ni outgoing Secretary Benhur Abalos sa bagong talagang kalihim na si Secretary Jonvic Remulla ang pamumuno sa Department of Interior and Local Government (DILG).
Isinagawa ang turnover ceremony para sa bagong kalihim ng DILG ngayong umaga sa DILG-Napolcom Center sa Quezon City.
Present sa turnover si Philippine National Police (PNP) Chief General Rommel Marbil, hepe ng Bureau of Fire Protection (BFP), at Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), undersecretaries at assistant secretaries ng DILG.
Sa kanyang pahayag, sinabi ni Abalos na ang pamumuno sa DILG ang isa sa pinakamahirap na posisyon nitong nahawakan, ngunit napagtagumpayan sa tulong ng mga kawani ng ahensya.
Masaya rin aniya nitong ipapaubaya ang DILG sa kamay ni Sec. Remulla na maaasahan at talagang kwalipikado sa kanyang posisyon.
Sinabi naman ng bagong kalihim na hanga ito kay outgoing Sec. Abalos at umaasang mapantayan ang tagumpay nito sa pamumuno sa DILG.
Aminado rin itong nag-alinlangan sandali, nang alukin sa kanya ang posisyon, pero tinanggap niya ang hamon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Sa ngayon, wala pa itong binanggit na anumang policy announcement at tututukan muna ang pakikipagpulong sa bawat opisyal ng DILG. | ulat ni Merry Ann Bastasa