Kinumpirma ni DSWD Spokesperson, Asec. Irene Dumlao na isusumite na nila sa tanggapan ni Senate Committee on Finance, Subcommittee Chairperson, Sen. Imee Marcos ang report kaugnay sa naging tugon ng DSWD sa mga referral na mula sa Office of the Vice President.
Sa DSWD Forum, sinabi ni Asec. Dumlao na kaagad silang nagkasa ng validation para beripikahin ang umano’y mga tinanggihang referrals na mula sa OVP.
Kasama sa sinuri ng DSWD ang mga na-refer na benepisyaryo para sa Assistance to Individuals in Crisis Situations o AICS sa Western at Central Visayas.
Sa ngayon, ay isinasapinal na lamang aniya ang report na ipipresenta muna kay DSWD Sec. Rex Gatchalian bago isumite sa Senado.
Kasunod nito, muling ipinunto ng DSWD na walang halong pamumulitika sa assistance program ng pamahalaan.
Paliwanag ni Asec. Dumlao, lahat ng lumalapit sa kagawaran, walk-in man o referral ay inaasikaso at tinatanggap ng DSWD at sumasailalim sa assessment ng mga social worker. | ulat ni Merry Ann Bastasa