VP Sara, binatikos ng Solid North Party-list sa bantang paghukay, pagtatapon sa labi ni Pangulong Marcos Sr.

Facebook
Twitter
LinkedIn

Mariing kinondena ng Solid North Party-list si Vice President Sara Duterte matapos niyang pagbantaang huhukayin ang labi ng yumaong Pangulong Ferdinand Marcos Sr. at itatapon sa West Philippine Sea.

Ayon sa partido, ang pahayag na ito’y isang pagtatangkang ilihis ang atensyon mula sa mga paratang tungkol sa paggamit ni Duterte ng confidential funds at budget ng Department of Education (DepEd).

Nagdulot ito ng matinding galit sa Ilocos Region, kung saan si Marcos Sr. ay tinitingalang bayani at simbolo ng pagkakaisa.

Sinabi pa ng Solid North Party-list, si Pangulong Marcos Sr. ay kinikilala hindi lang bilang matapang na sundalo kundi bilang tagapagpasimula ng konseptong ‘Solid North’—isang samahan ng mga lalawigan sa Northern Luzon na pinag-iisa ng wika, kultura, at kasaysayan.

Binigyang-diin ng grupo na ang pamana ni Marcos Sr. ay patuloy na ipinagmamalaki sa rehiyon, lalo na sa Ilocos, kung saan kinikilala ang kanyang ambag sa pag-unlad ng bansa at lokal na pamahalaan.

Ang “Solid North” ay matagal nang kilalang puwersang politika na parating sumusuporta sa mga kandidatong kaalyado ng pamilya Marcos.

Ayon pa sa Solid North Party-list, ang banta ni Duterte ay hindi lamang isang atakeng politikal kundi isang paglapastangan sa kulturang Pilipino na lubos na gumagalang sa mga yumaong mahal sa buhay.

Dagdag pa nila, sa anumang kultura, ang paglapastangan sa yumao at libingan nila ay hindi katanggap-tanggap sa lipunang Pilipino at ang ganitong banta ay pinakamatinding uri ng pambabastos.

Dahil dito nanawagan ang grupo sa mga Ilokano na labanan si Duterte, bawiin ang suporta, at huwag iboto sa susunod na halalan. | ulat ni Mike Rogas

Radyo Pilipinas

Radyo Pilipinas is the flagship government AM radio station of the Philippine Broadcasting Service (PBS), which is under the Presidential Communications Operations Office (PCOO) of the Office of the President, Republic of the Philippines. Its frequency is 738khz on the Philippine AM band.

Recent Posts

Follow Us