Kapwa nanawagan sina House Assistant Majority Leaders Jay Khonghun at Paolo Ortega kay Vice President Sara Duterte na itigil na ang kaniyang ‘pambubudol’ at bigyang linaw na lang ang paggamit niya sa confidential at intelligence fund.
Partikular dito ang P15 million na confidential fund ng Department of Education (DepEd) para sa Youth Leadership Summits (YLS) noong 2023 noon siya pa ang kalihim ng kagawaran.
Ani Khonghun, naghihintay ang publiko ng malinaw na sagot tungkol dito dahil mismong ang militar ay pinabulaanan na may nakuha silang pondo mula sa DepEd.
Sa pagdinig kasi ng House Blue Ribbon Committee, sinabi ng mga dumalong opisyal ng AFP na ang Sandatahang Lakas at mga local government unit (LGU) ang gumastos para sa YLS.
“Pakisagot, Madam VP Sara: Niloko mo ba ang militar o hindi? Mahalaga ring malaman ng publiko kung saan napunta ang P15 milyon na sinasabing ginamit ng DepEd para sa YLS sa ilalim ng iyong pamumuno, na mariing itinanggi ng militar,” sabi ni Khonghun.
Ayon pa sa mambabatas, hindi na uubra sa taumbayan ang paglilihis ng mga isyu at walang basehang paninira laban sa administrasyong Marcos.
“They weren’t born yesterday. Pinagtatawanan ka na nila, Madam VP. Now it’s up to you—will you continue being a comedy act or be woman enough to confront these issues?” sabi pa ni Khonghun.
Hamon naman ni Ortega sa bise, ipakita kung paano dapat harapin ng isang tunay na lider ang mga isyung ibinabato sa kaniya.
Hanggang ngayon kasi aniya wala naman malinaw na paliwanag ang pangalawang pangulo tungkol dito.
“This is just the latest in a series of alleged misuse of public funds. Unfortunately, the Vice President has never addressed these issues directly and instead resorts to making outlandish statements. Puro sound bites, pero walang substance,” sabi ni Ortega. | ulat ni Kathleen Forbes