Nakabenepisyo ang 20 batang may craniofacial deformities, cleft palate, at cleft lip mula sa iba’t ibang panig ng Mindanao sa libreng operasyon ng Noordhoff Craniofacial Foundation (NCF) Medical Mission mula sa bansang Taiwan nitong nakaraang November 19 hanggang November 21, 2024.
Sa isang press conference, sinabi ni NCF Philippine Counterpart Program Coordinator Dax Carlo Pascasio na matagumpay nilang naisagawa ang operasyon ng mga benepisyaryo sa tulong ng partner hospital nito, ang United Davao Specialists Hospital and Medical Center sa Davao City.
Karamihan sa mga pasyente ay mula pa sa labas ng lungsod, kung saan ang ilan ay galing pa sa Cagayan de Oro City, Butuan City, Lanao, Zamboanga, at iba pa.
Ayon kay Pascasio, isa sa naging prayoridad ng kanilang medical mission ay ang pag-opera sa mga rare cases ng craniofacial deformities.
Inilahad din nito na bukod sa libreng operasyon, sagot na rin ng NCF ang pamasahe at iba pang gastusin ng mga pasyente at maging ng kanilang mga magulang habang nasa ospital.
Bukod pa rito, magbibigay din ng tulong ang NCF para sa speech therapy, dental care, at nutrisyon ng pasyente.
Laking pasalamat naman ng mga ina ng pasyente na sina Noemi Lorenza at Venus Celocia sa tulong na naibigay ng medical mission sa kanilang mga anak. | ulat ni Garry Carl Carillo | RP1 Albay