Patuloy na pinipilahan sa Central Office ng National Irrigation Administration (NIA) ang bentahan ng Bagong Bayaning Magsasaka (BBM) Rice.
Ayon sa NIA, nasa 2,000 bags ng ₱29 per kilo ng bigasang nakatakda nitong ibenta ngayong Biyernes.
Bunga pa rin ito ng Rice Contract Farming Program ng ahensya kung saan tinutulungan ang mga magsasaka na mapababa ang kanilang production costs.
Mag-uumpisa nang alas-8 ng umaga hanggang alas-2 ng hapon ang bentahan ng bigas sa NIA Central Office Covered Court, EDSA, Diliman, Quezon City.
Kailangan lamang dalhin ang ID para sa mga senior citizen, solo parents, PWDs, at 4Ps beneficiaries na maaaring bumili ng isang bag ng BBM Rice.
Kaugnay nito, sinimulan na ng NIA na magpatupad ng buyer’s card para sa mga residente ng Barangay Pinyahan, Bagong Pag-asa, at Central.
Paliwanag ng ahensya, card ang ipakikita sa NIA staff sa tuwing bibili ng BBM Rice para mabigyan ng prayoridad sa pila. | ulat ni Merry Ann Bastasa