Sa gitna ng sunod-sunod na kalamidad sa bansa, naglatag na ang Quezon City Local Government ng mga proyekto para matugunan ang epekto ng malalakas na pag-ulan sa flood prone areas sa lungsod.
Sa QC Journalists’ Forum, sinabi ni QC DRRMO Spokesperson Peachy de Leon, na may apat na silang proposed project sa lungsod kabilang ang ‘Tuloy ang Daloy’ program na nakatuon sa improvement ng mga drainage para maging flood resistant at climate resilient.
Kasama rin dito ang ‘Palangganang Panglungsod’ na patungkol sa pagbuo ng malawakang water basin. Katunayan, mayroon na aniyang dalawang natukoy na lugar na pagtatayuan ng naturang proyekto kabilang ang Brgy. Sta. Monica sa District 5 at Tandang Sora sa District 6.
Mayroon ding water retention project na tinawag na ‘Salong Tubig’ project, na mag-oobliga sa mga barangay na magkaroon ng catch basin, at Project SEEP para sa sustainable permeable pavement.
Sa panig ng Quezon City Council, tiniyak ni QC Committee on Disaster Risk Reduction Chair at District 1 Councilor Charm Ferrer ang suporta sa mga proyektong tutugon sa epekto ng mga disaster, sa pamamagitan ng mga resolusyon at ordinansa.
Pinag-aaralan na rin ng QC council maging ang pagdaragdag ng evacuation centers sa lungsod.
Dagdag pa nito, may nakalaan nang five percent sa bawat pondo ng mga barangay na maaaring gamitin sa pagtugon sa ano mang kalamidad. | ulat ni Rey Ferrer