Pitong proyekto ng modernization program ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang maaapektuhan ng P10 bilyong budget cut sa panukalang pondo ng programa sa susunod na taon.
Sa orihinal kasing panukalang pondo mula sa ehekutibo o sa ilalim ng National Expenditure Program (NEP), nasa P50 billion ang inilaang pondo para sa AFP modernization program.
Pero sa ilalim ng 2025 budget bill na ipinasa ng Kamara at in-adopt ng Senate Committee on Finance, ginawa na lang itong P40 billion.
Sa plenary deliberations ng panukalang 2025 budget ng Department of National Defense (DND) at AFP, natanong ni Senador JV Ejercito kung anong mga proyekto ang maaapektuhan ng budget cut na ito.
Ayon kay Senador Ronald ‘Bato’ dela Rosa, na nagdepensa ng budget ng DND, pitong proyekto ang maaapektuhan ng budget cut.
Kabilang na dito ang para sa cyber systems, proyekto para sa forward support equipment, aviation engineering equipment, dagdag na aircraft, joint tactical combat vehicles at iba pang support basing systems.
Ipinahayag rin ni dela Rosa na sa ngayon ay huli na ang ating AFP sa kanilang modernization program.
Base kasi sa orihinal na timeline, dapat ay nasa horizon 3 na tayo ng modernization program.
Pero hanggang ngayon ay hindi pa tapos ang horizon 1 at 2 ng programa.
Sa datos ng DND, ang horizon 1 ay nasa 99 percent pa lang ngayon at inaasahang sa 2026 pa ganap na makukumpleto.
Ang horizon 2 ay nasa 23% pa lang na kumpleto habang wala pang nakukumpleto sa horizon 3.
Ipinutno naman ni Ejercito na mahalaga sanang masimulan na ang horizon 3 ng modernization program dahil nakasentro ito sa external defense at napapanahon ito sa nangyayari ngayon sa West Philippine Sea.
Dahil dito, itinutulak ni Ejercito na maibalik ang P10 bilyong natapyas sa pondo ng AFP modernization program. | ulat ni Nimfa Asuncion