Nagsasagawa na ng imbestigasyon ang Anti-Money Laundering Council (AMLC) sa mga bangko na sangkot sa money laundering case na kinakaharap ni dismissed Mayor Alice Guo.
Sa plenary deliberations ng panukalang 2025 budget ng AMLC, sinabi ni Senate Committee on Finance Chairperson Senadora Grace Poe na nagbukas na ang AMLC ng enforcement action proceedings sa mga bangkong sangkot para matukoy kung may naging paglabag sila sa hindi pagsusumbong ng kahina-hinalang transaksyon nina Guo at ng mga kasabwat nito.
Sa ilalim kasi ng batas, dapat magsumite ng suspicious transaction report (STR) ang mga bangko kung lumagpas sa threshold o kahina-hinala ang transaksyon sa kanila.
P500,000 ang threshold para sa covered transactions na dapat ireport ng mga bangko sa AMLC; hanggang P1 million kung ang transaksyon ay sa registered jeweler; P5 million para sa casino cash; habang P7.5 million para sa real estate cash.
Ipinaliwanag ni Poe na kung mapatunayang lumabag ang mga sangkot na bangko sa requirement ay sasampahan sila ng kaso ng AMLC o maaaring patawan ng multang mula P250,000 hanggang P500,000 sa kada transaksyon.
Gayunpaman, hindi pa rin aniya lusot sa kriminal na pananagutan kung mapatunayang nakipagsabwatan ang mga opsiyal ng bangko sa pagsasagawa ng money laundering.
Sa ngayon ay lusot na sa plenaryo ng senado ang panukalang 2025 budget ng ALMC na nagkakahalaga ng P213.328 million. | ulat ni Nimfa Asuncion