Kinalampag ng Quad Committee ng Kamara ang Anti-Money Laundering Council na kagyat na kumilos para ma-freeze ang mga asset ng Chinese nationals na iligal na nabili.
Sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Quad Comm, natuklasan ang pagkakasangkot ng ilang opisyal pa mismo ng pamahalaan sa iligal na pagkakabili ng mga lupain ng Chinese nationals.
Patikular na tinukoy ni Batangas Rep. Gerville Luistro ang Empire 999 Realty Inc. na pagmamay-ari nina Aedy T. Yang at Willie Ong.
Ang naturang kumpanya ang may-ari ng warehouse kung saan nasabat ang nasa P3 billion na halaga ng shabu sa Mexico, Pampanga.
Sabi niya, ginamit ng dalawa ang koneksyon sa mga lokal na opisyal para makabili ng mga lupain.
Isa na rito si dismissed Mexico, Pampanga Mayor Teddy Tumang, na pinayagan ang iligal na pagbili ng Empire 999 ng siyam na titulo ng lupa mula 2016.
“Lahat po ng transfer ng tax declaration, at the very least, ay nalalaman ng mayor or the local chief executive…At least we can consider [Mayor Tumang] a person of interest with respect to the violation of the Dangerous Drugs Act,” sabi ni Luistro.
Dahil naman dito, pinakikilos ng mambabatas ang AMLC na agad nang i-freeze ang naturang mga lupain bago maubos.
Punto niya pinalabas ng kumpanya na isa itong Filipino corporation na paglabag sa Securities Regulation Code (SRC), Philippine Corporation Code, at RA 9160.
Sapat na aniya ito para mag-file ng ex-parte case ang AMLC para masimulan ang pag-freeze ng mga asset.
“They misrepresented themselves as Chinese nationals to make it appear that Empire 999 is a Filipino corporation, enabling them to acquire real properties exclusively for Filipino nationals. It entails violations not only of the Philippine Corporation Code but also the Securities Regulation Code,” giit ni Luistro. | ulat ni Kathleen Forbes