Disidido ang Kongreso na maibalik ang P39-bilyong pondo ng Ayuda sa Kapos ang Kita Program (AKAP) sa 2025 national budget.
Kasama na dito ang dagdag na subsistence allowance para sa mga sundalo.
Ayon kay Appropriations Committee Chair Zaldy Co, inatasan siya ni Speaker Martin Romualdez na tiyaking maibabalik ang pondo oras na sumalang ito sa bicameral conference committee.
Ayon kay Co, napakahalaga ng AKAP para sa 12 milyong pamilyang kapos ang kinikita.
Aniya, ang AKAP ay nakapagbigay na ng 77.57% ng P26.7-bilyong pondo nito mula Enero hanggang Oktubre 2024 kung saan nakinabang ang mahigit 589,000 indibidwal sa Metro Manila pa lang.
“Hindi natin papayagang mawala ang pinakamahalagang socialized program ng gobyerno,” ani Co.
Diin pa niya na mismong social welfare Secretary Rex Gatchalian at Philippine Statistics Authority Usec. Dennis Mapa, ay kinilala ang kahalagan ng AKAP.
Mula nang inilunsad ito, mahigit apat na milyong Pinoy na ang natulungan ng programang pinamamahalaan ng DSWD.
“Ngayon higit kailanman, kailangan ng ating mga kababayan ang AKAP. Ilalaban namin ito hanggang dulo,” diin ni Co. | ulat ni Kathleen Forbes