Wala pang alas-6 ng umaga, binuksan na sa publiko ang Bagbag Public Cemetery, Novaliches, Quezon City para sa mga dadalaw sa kanilang mga yumaong mahal sa buhay ngayong Undas.
Maaga kasing dinagsa ang naturang sementeryo na karaniwang sitwasyon daw kapag sumasapit ang November 1.
Marami sa mga bumisita ngayong umaga, bitbit ang pamilya gaya ni Nanay Vangie na kasama ang kanyang maliit na anak.
Wala naman daw problema dahil minsan lang mag-Undas at mabisita ang kanilang yumaong kaanak.
Hindi rin alintana ng mag-asawang senior na sina Nanay Corazon at Dominador ang siksikan ng tao para lang masulyapan ang nitso ng kanilang anak.
Kahit nga dekada na ang nakalipas, nagiging emosyonal pa rin ang mag-asawa sa tuwing naaalala ang kanilang anak na namayapa.
As of 7am, aabot na sa 3,000 ang crowd estimate sa sementeryo.
Mahigpit naman ang seguridad kung saan sa bungad pa lang nandyan na ang masusing inspeksyon ng mga security personnel at maging ang Police Assistance Desks.
Maayos at mapayapa naman ang sitwasyon sa ngayon bagamat marami na ang nakukumpiska agad na mga ipinagbabawal. Kabilang ang sigarilyo at vape.
Para sa mga hindi kabisado ang pwesto ng nitso ng kanilang yumaong kaanak, maaring magtungo sa Admin office sa tabi lang ng entrance.
May mga Medical Assistance Desk din sa oras na may nangailangan ng emergency.
Inaasahan pang tataas ang bilang ng mga magtutungo rito na posibleng pumalo sa higit 150,000 hanggang 180,000 sa panahon ng Undas. | ulat ni Merry Ann Bastasa