Nagkasundo ang Metro Manila Council (MMC) na gawing “professionalize” ang pagsasagawa ng towing at impounding ng mga sasakyan sa Metro Manila.
Layon nitong maiwasan ang mga reklamo ukol sa ilegal na paghila, labis na singil, pangingikil, at mga reklamo tungkol sa mga sasakyang nasisira habang isinasagawa ang towing.
Sa pulong ng MMC, tinalakay ang MMDA Regulation No. 24-004, Series of 2024.
Nakasaad dito na magkakaroon ng limang sektor na may tig-iisang service company na mamamahala sa towing ng mga sasakyan.
Ang limang sektor na ito ay kumakatawan sa Northern Metro Manila, Southern Metro Manila, Eastern Metro Manila, at Central Metro Manila.
Aatasan ang mga towing company na maglagay ng GPS, dashcam, at maayos na speedometer sa kanilang mga sasakyan upang matiyak na maayos ang kondisyon ng mga ito.
Upang maiwasan ang pagsisikip ng trapiko at pagbabara sa daan, bibigyan ng option ang mga may-ari ng nasirang sasakyan na ipahatid na lamang ito sa kanilang bahay o sa kasa para maipagawa. Sa ganitong paraan, hindi na kailangang i-impound ang sasakyan.
Sa ngayon, wala pang petsa kung kailan ipapatupad ang nasabing bagong guidelines. | ulat ni Diane Lear